MGA TEORYANG PAMPANITIKAN

1. HUMANISMO- May bunga ang panitikan sa tao. Sa humanismo ang pananaw nakasentro sa tao. KinikIlala ang tao bilang panukatan ng maraming bagay at pangayayari. Inilalarawan kung paanong ang tao ay nakikibaka sa buhay at mga karanasan sa mundo. Itinatanghal ang kalagayan ng tao bilang isang individwal. Ang tao ay ginagamit na batayan sa pagkilala sa sangkalawakan. Ang pagkakaroon ng indibidwal na pananaw sa buhay at malayang ekspresyon ng kakayahang intelektwal ng tao ang higit ng mahalaga.
2. KLASISISMO- Mahalaga ang panitikan sa lipunan. Sa klasisismo, ang isang akda ay may bisa sa pagpapayabong ng mga kaisipan ng tao. May mga klasikal na katotohanang ipinapahayag na nagsisilbing gabay sas paglikha ng mga moral at pilosopikal na ideya. Matatag ang paniniwala sa ideyalismo. Kinikilala ang katwiran, kadakilaan at kaganapan ng mga bagay. Ilan sa mga katangiang taglay ng akda ay payak ngunit masinin, matimpi ngunit makahulugan, may kaayusang alinsunod sa itinakdang kumbensyong mahigpit at di nababago, dakila, marangal at matapat sa estilo na kinagigiliwan ng mga mapagmahal sa katotohanan.
3. FORMALISMO- May sariling daigdig ang akda. Sa formalistikong pananaw, mahalaga ang katangiang sarili ng mga sangkap ng isang akda at ang organikong pagkakaugnay ng bawat bahagi. Walang lugar ang bayograpikal o kontekstong historical at panlipunan sa pagbibigay ng kahulugan sa akda sapagkat ito ay may taglay na sariling kabuluhan. Mismong ang akda ang sinusuri batay sa batas na sarili at objectiv na dulog. Ang akda ay may sariling kaakuhan ayon sa taglay na anyo, disenyo, imahen o simbolismo, motif, tono, at punto de vista sa ilalim ng sistemang tekstwal. Sa formalistikong pananaw ang akda ay binibigyang turing bilang isang likhang may sariling buhay at batas.
4. IMAHISMO- Ang panitikan ay pagpipinta at eskultura. Sa imahismong pananaw, ang kalinawan ng isang akda ay naipapahayag sa pamamagitan ng mga tiyak na imaheng biswal. Ang pahayag ay nagiging matulain sapagkat ginagamitan ng mga eksaktong paglalarawan at pagbibigay anyo sa mga ideya. Ang akda ay nagtataglay ng mga salitang karaniwan ngunit mayaman sa matayog na kaisipan. Kadalasan ay higit na nakikita ang idibidwalidad ng makata sa kanyang malayang taludturan at Malaya ang awtor sa pagpili ng paksa. May kulas at hugis, dugo at laman abng akda. Malinaw, tiyak at buhos ang pag-iisip upang makalikha sa imahinasyon ng kongkretong larawan na may malalim na impresyong guguhit sa damdamin at kamalayan. Taglay nito ang esensya ng sining panauhan.
5. ROMANTESISMO- Mayaman ang panitikan. Ang daigdig sa pananaw ng romantesismo ay maganda at mabuti anuman ang bigat ng suliranin o higpit ng pagsubok nma dumating. Sa likod ng kasamaan at kaguluhan ay may bagay o pangyayaring magpapatingkad sa angking kabutihan ng tao at laging mangingibabaw ang pag-ibig. Ideyalistiko ang pananaw ngunit may pagtakas sa realidad at pagkawala sa katwiran sapagkat may pagkasentimentalismo. Gumagamit ng mabubulaklak na pagpapahayag, sabjectiv o tuwirang nangangaral. Tumatalakay sa mga valyu at paksang tungkol sa pagkamakabayan, pagkamaginoo, pagkakristyano ngunit may mga karakter na hayagang mapusok ang pagkatao, pinaiiral ang sarili at rtebolusyunaryo. Ipinakikita ang kahalagahan ng tao sa anuman ang kalagayan sa lipunan at na sa lipunan nag-uugat ang kasamaan ng tao.
6. EKSISTENYALISMO- Ang realidad ay ang nagaganap. Ang pananaw na eksistenyalismo ay kumikilala sa esenya ng tao na walang iba kundi kung ano ang kanyang nililikha sa kanyang sarili depende sa lawak ng kanyang kakayahan at limitasyon o hangganan. Pananagutan ng tao ang kanyang sarili at walang kaugnayan ang kapaligiran at minanang katangian sa kanyang hangarin at pagkilos. Siya ay malayang pumili at magpasya sa sariling kahihinatnan o kapalaran. Bawat tao ay isang hiwawalay na entidad na hindi nakakikilala sa mga katotohanan, pagpapahalaga, at kahulugan ng tao. Inilalarawan ang nagyayaring ang buhay ay hungkag, malungkot at walang katuturan.
7. MORALISTIKO – Ang panitikan ay may tungkulin sa lipunan. Itinuturing ang isang akdang pampanitikan bilang bukal ng mga kaisipang batayan sa wastong pamumuhay at pakikipagkapwa.Inilalarawan sa teksto ang mga paksang pagtatagumpay sa kabutihan laban sa kasamaan, pagwawagi ng katarungan laban sa pang-aapi, pangingibabaw ng kalinisan at pagkatao at katatagan sa harap ng mga pagsubok at kahinaan. Ipinapakita ang pagtutunggali ng lakas ng katwiran at impluwensya ng mga elementong sumisira sa tao. Ang mga karakter ay sinusuri bilang pagtutol o pagkilala sa umiiral na pilosopiya sa buhay o sistemang moral sa lipunan. Ang akda ay kapupulutan ng mga aral at pagwawasto sa mga maling landasin sa buhay. May oryentasyong didaktiko at interes na magsilbing huwarang dapat sundin upang maitanghal ang kadakilaan ng tao at kapangyarihan ng Maylikha.
8. REALISMO- Makatotohanan ang panitikan. Ito ay gising, mulat at matapat. Sa realismong pananaw, objectiv ang paglalarawan sa tao at lipunan at sa mga pwersang nakapangyayari sa buhay. Ang teksto ay tumatalakay sa suliranin sa mundo at sa pinag-ugatan nito. Inilalantad ang mga katotohanan sa pamamagitan ng mga paksa at salitang karaniwan ngunit gumagamit ng matrapang kung hindi man mapangahas na paraan. Ang mga kaisipang inihahanay ay payak ngunit nagpapakilos. BInibigyang-buhay ang mga tauhang nakikisangkot, nanunuligsa o nanghihikayat upang mapabuti at maiangat ang kalagayan ng tao sa lipunan. Kadalasang paksain ang karanasan ng mga mahirap, pagiging bulag ng katarungan, paglabag sa karapatan, at ang tunggalian ng iba’t ibang uri ng tao sa lipunan. Ang awtor ay malaya at walang kinikilingan sa paglalantad ng buong katotohanan.
9. READER – RECEPTION- May bisa ang panitikan sa mababasa. May papel ang mambabasa sa panitikan. Ang pagbasa ay isang uri ng transaksyon sa pagitan ng mambabasa at ng akda. Ang kahulugan ay batay sa mambabasa. Walang unibersal, iisa, at tiyak na kahulugan ang teksto. Maraming pakahulugang maibibigay sa akda. Anmg mambabasa ay di pasibo sa pag-uugnay ng kanyang karanasan sa paniniwalang ang panitikan ay dapat na magkaroon ng kabuluhang personal at emosyonal na antas ng pag-unawa. Nasa antas na sabjectiv at may bisang ilantad ng mambabasa ang sariling karanasan ng karakter na binigyang-buhay sa akda. Sariling tugon at sensibilidad ng mambabasa angbinibigyang pansin. Ang pagproseso sa akda ay nasa kapangyarihan, kaalaman at karanasan ng aktibong mambabasa.
10. SOSYOLOHIKAL- Ang panitikan ay isang produkto. Ito ay likha ng panahon at kasaysayan, kultura, ideolohiya, lipunan at kapaligiran. Sa pananaw na sosyolohikal, ang akda ay hindi nagmula sa kawalan. Ang mga pananaw at saloobin ng mga karakter ay hinubog ng mga pangyayari. Ang akda ay sinusuri sa konteksto ng iba’t ibang institusyon sa lipunan at ang kaugnayan nito sa indibidwal. Ipinapahayag ng akda ang mga saloobin, mithiin, at pangarap nab hango sa galaw ng panahon. May kaisipang inihahatid sa mambabasa na naglalarawan sa pilosopiyang taglay ng akda. Tumutugon sa tungkulin ng panitikan na imulat ang lipunan sa mga katotohanan at kagalingang panlipunan. Ang panitikan ay may mabuti at kapakipakinabangang idudulot sa lipunan at ang lipunan ay kailangang tumugon sa mga sitwasyon o kalagayang hinihingi ng pagbabago upang maiangat ang tao.
11. MARXISMO- May magagawa ang panitikan. Sa Marxismong pananaw, ang panitikan ay tumutugon at nagtataguyod ng pagbabago. Hinahamon nito ang mga istruktura ng kapangyarihan sa lipunan, nagtatangkang buwagin ang mga mapaniil na puwersa at inilalantad ang mga tunggaliang pang-uri na nag-ugat sa kalagayang pang-ekonomya. Sa ganitong pananaw, nagsisilbing refleksyon ang panitikan ng mga nagkakasalungatang ideyolohiya na sinusuri sa paraang objectiv upang magising ang kamalayang panlipunan. Ang epektong kabuhayan ng tao sa kanyang pagtingin sa buhay, pakikitungo sa kapowa, mga hangarin at pangarap, pagtanggap sa mga karanasan ay mababasa sa mga karakter. Ang paksa ay mabigat, seryoso, atkadalasang tumatalakay sa buhay, kalagayan, at kaugnayan ng mga uring manggagawa sa uring nakapangyayari sa lipunan. Mahalaga ang mga realidad sa lipunan at kasaysayan, sapagkat ang mga ito ay nagtatakda ng kondisyon sa panitikan bilang likhang sining.
12. NATURALISMO- Isang malaking ekspresyon ang panitikan. Ito ay ekspresyon ng buhay at lipunang taglay ang mga pangit at madilim na realidad. Sa pananaw na naturalismo, karaniwang paksa ang kahirapan, krimen, kamangmangan, kawalang pag-asa, mababang pagtingin sa buhay, mga taong tiwalag sa lipunan at may negatibong damdamin at pagkilala sa sarili. Ang daigdig ay isang kalabisan at puno ng pagsasamantala. Ipinakikita kung ano ang ibinubunga ng kapaligiran at mga namamanang katangian sa kapalaran ng tao. Amng pagkakaroon ng pagbabago ay may malaking ginagampanan sa buhay ng tauhan bagamat ang pananaw sa karakter ay tulad sa isang bagay na walang saysay at walang kinabukasan.
13. SIMBOLISMO- Makapangayarihan ang salita. Nagagawa nitong pakilusin ang tao. Mayaman din ang salita sapagkat hatid nito ang walang katapusang ideya. Sa simbolismo, may nagaganap na ugnayang mistikal sa pagitan ng natural at ispiritwal na daigdig at ang salita ay nagiging isang daigdig ng mga kahulugan. Ito ay nangyayari sa pamamagitan ng pagtuklas ng kahulugan ng mga salita na taglay ng isang akda na siya naming naghahatid ng bias sa isip ng mga mambabasa. Sa pamamagitan ng simbolismo ay may koneksyong lumilitaw sa pagitan ng akda at mambabasa. Sapagkat likas sa panitikan ang pagkakaroon ng mga sagisag, nakikita ng mambabasa ang mga bagay na hindi tuwirang nababasa sa akda.
14. SIKOLOHIKAL- May dahilan ang bawat kilos o gawi, may pinagmulan ang bawat bagay o pangyayari. Sa pagsusuring sikolohikal, inaalam ang mga nagaganap sa mga antas ng kamalayan ng isang tao na batayan ng kanyang pag-iisip at pagkilos. Ang mga panlabas na katangian ng karakter ay sinusuri ayon sa mga panloob na sanhi. Ipinaliliwanag ang mga nangyari sa tauhan na ipinakita sa kanyang paraan ng pagsasalita, daloy ng pag-iisip, at kilos na may sinasagisag. Ang teksto ay maaaring basahin bilang ekspresyong mga nagtatagong katotohanan na m,ay kaugnayan sa buhay at karanasan ng awtor na binigyang buhay at karanasan ng awtor na biniogyang-buhay ng mga karakter o kaya ay bilang instrument ng pagpahayag ng sariling m,ga obsesyon o interes ng mambabasa na nabigyan ng katuparan sa pamamagitan ng mga karakter bilang ekstensyon o manipestasyon ng sarili
15. DEKONSTRUKSYON – Ang akda ay hindi maaring isilid sa kahon sapagkat ito’y walang katapusang pagtuklas at paglalaro. Ang isang akda ay hindi masasaklawan o matatakdaan sapagkat ang kahulugan ay nagbabago o di permanente. Ang kahulugan ng akda ay matatagpuan hindi lamang sa mga salitang nabasa o naranasan. Maaaring idekostrak ang akda sa maraming paraan tulad ng kalikasan nito bilang isang akda, batay sa mga kaalaman tungkol sa awtor, balangkas ng panlipunang realidad, kasysayan at tradisyon, istilo ng wika, o kaya ay iugnay sa pagtanggap ng mga mambabasa.
16. HISTORIKAL O BAYOGRAPIKAL- Ang bunga ay kontekstong pangkasaysayan. Ang teksto ay nasulat sa pangyayari sa kasaysayan na nag-udyok sa awtor na lumikha. Sa historikal na pananaw, ang teksto ay sinusuri na parang dokumentong historical. Ang mga tauhan at pangyayari sa teksto ay kinikilalang mga kaganapan sa isang tiyak na panahon. Sa pananaw na bayograpikal, ang pag-unawa sa katauhan o personalidad ng awtor ay mahalaga, gayundin ang kanyang mga kaisipan at paniniwala. Subalit hindi dapat na ang talambuhay ng awtor ang maging sentro ng pagtalakay sa halip na ang teksto.
17. FEMINISMO- Ang panitikan ay walang kinikilingan. Isang anyo ng pagtutol sa diskriminasyon ang feminismong pananaw. Layunin sa pagsusuring ito ang umiiral na mababa at di pantay na pagtingin sa kababaihan. Tinutuligsa ng teksto ang mga sistemang pyudal at patriyarkal sa lipunan. Karaniwang paksa aang tungkol sa opresyong pangkasarian, pang-uri at pambansa na nararanasan ng kababaihan na inilalarawan sa pamamagitan ng mga ginamit na salita, paksa at konsepto sa kababaihan.